Libreng cremation alok ng Marikina LGU sa mga labing hinukay
MANILA, Philippines — Inanunsiyo kahapon ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na maglalaan ng libreng cremation ang pamahalaang lungsod sa mga labi na hinukay sa Barangka Public Cemetery ng walang kaukulang permiso.
Ayon kay Teodoro, nakikipag-ugnayan na sila sa mga pamilya ng mga hinukay na labi na sa kasalukuyan ay nakalagay sa isang temporary holding facility.
Base aniya sa inisyal na accounting ng City Health Office (CHO), nasa 65 na human remains na ang nahukay mula sa sementeryo ngunit maaaring madagdagan pa ito dahil tuluy-tuloy pa ang ginagawa nilang pagbibilang.
Pagkakalooban din naman aniya nila ang mga ito ng opsiyon na ilipat ang mga labi ng kanilang mga yumao sa ossuary o sa columbarium.
“At yung iba na gugustuhing ma-cremate, paki-cremate natin ng libre at ilalagay natin sa columbarium,” ani Teodoro.
Aniya,maaaring kontakin ng mga apektadong pamilya ang bagong pangasiwaan ng Barangka Public Cemetery o ang Marikina City Health Office na pinamumunuan ni Dr. Christopher Guevara hinggil dito.
Nakatakda rin aniyang magdaos ang pamahalaang lungsod ng banal na misa sa Barangka Public Cemetery ngayong Sabado, Nobyembre 2, bilang pagbibigay-respeto sa mga hinukay na labi.
Matatandaang sinampahan ng Marikina LGU ng kaso ang administrador at mga tauhan ng Barangka Cemetery matapos na hukayin ang mga labing nakalibing doon ng walang kaukulang permiso.
Una nang ipinatigil ni Teodoro ang paghuhukay ng mga libingan, na sumasailalim sa rehabilitasyon.
- Latest