192 dayuhan sangkot sa online scam, timbog!
MANILA, Philippines — Natimbog ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 192 foreign nationals sa isinagawang major joint operation na target ang mga indibiduwal na sangkot sa illegal online scam operations at iba pang immigration violations.
Ayon sa BI, ang operasyon ay isinagawa noong Oktubre 3 sa isang gusali na matatagpuan sa Sen. Gil Puyat Avenue Extension, at Macapagal Boulevard sa Pasay City.
Anang BI, ang misyon ay isinagawa nila bilang tugon sa mga ulat na nagsasaad sa unauthorized employment at illegal activities ng mga foreign nationals na nag-o-operate sa bansa.
Nabatid na matagumpay na nadakip ng BI Intelligence Division operatives, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Department of Justice - Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT), at Securities and Exchange Commission (SEC), ang mga naturang foreign nationals na kinabibilangan ng mga Chinese, Vietnamese, at iba pang nasyunalidaad.
Ang naturang mga dayuhan ay natuklasang sangkot sa unauthorized employment at illegal operations na paglabag sa Philippine Immigration Act.
Samantala, pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matagumpay na joint effort, at binigyang-diin na ang naturang operasyon ay nagpapakita sa commitment ng BI na maipatupad ang immigration laws at bantayan ang mga border ng bansa.
- Latest