Kandidatura ni Alice Guo, nasa kamay ng Comelec - BJMP
MANILA, Philippines — Susunod lamang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa patakaran ng Commission on Elections (COMELEC) at ng korte sakaling tumakbo sa nalalapit na eleksyon si dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ito ang sinabi ni BJMP spokesperson Supt. Jayrex Bustinera kung saan mayroon na silang koordinasyon sa Comelec sakaling magdesisyon si Guo na kumandidato muli.
Nasa pangangalaga si Guo ng BJMP kasama ang iba pang persons deprived of liberty (PDLs).
“Ongoing ang coordination namin sa Comelec, basta ang guidance ay ang Comelec, basta ‘pag papayagan ng Comelec ang pag-file niya, at may court (order) para siya ay mag-file, susunod lang kami,” ani Bustinera sa press conference sa Philippine Information Agency (PIA) nitong Miyerkules.
Una nang sinabi ng Comelec na hindi nito mapipigilan si Guo na tumakbo dahil nakabinbin pa ang kanyang mga kaso at hindi pa nareresolba.
Sinabi ni Bustinera na ang magagawa lamang ng bureau ay magbigay ng mga escort kay Guo at tiyakin ang kanyang kaligtasan kung papayagan siya ng Comelec at ng korte na maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC).
Sa mga nakalipas na pamunuan, sinabi ni Bustinera na pinayagan ng Comelec ang mga PDL na lumahok sa isang halalan subalit hindi pinapayagan na mangampanya.
- Latest