Suspect na humoldap, nakapatay sa dayuhan, nadakip na
MANILA, Philippines — Nadakip na ng mga tauhan ng Makati City Police ang isa sa riding in tandem na bumaril at nakapatay sa isang banyaga, sa isinagawang hot pursuit operation ng Makati City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat na isinumite kay Southern Police District chief, P/Brig. General Leon Victor Rosete, naaresto ng mga tauhan ng Poblacion Sub-station ang suspek na kinilalang si alyas “Raffy”, 35-anyos, residente ng Montalban, Rizal, sa isinagawang operasyon alas-12:40 ng madaling araw ng Setyembre 19, sa Arsonvel Street, Barangay San Isidro, Makati City.
Si alyas Raffy at isa pang kaangkas sa motorsiklo ang di umano’y bumaril sa isang Korean national na kinilalang si alyas “Kim”, 32-anyos, at nanuluyan sa Citadel Inn, sa P Burgos St., Poblacion, Makati City, noong Setyembre 11 (Miyerkules) alas-10:22 ng gabi sa bahagi ng Kalayaan Avenue, pagitan ng San Miguel at Bel-Air Village, sa nasabing lungsod..
Una nang naiulat na isang banyaga ang binaril at napatay matapos agawan ng bag at nakita rin sa CCTV ang paglalakad mag-isa ng biktima at ang pagpalit ng puwesto ng nagmamaneho at backride bago lumapit sa biktima.
Nasamsam mula sa suspek ang isang 9mm Viper pistol na may walong bala.
Inihahanda na ang reklamong paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code (Robbery with Homicide) at Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa suspek.
- Latest