ICC sa kaso ni Duterte

Pinakamalakas na ebidensya ihanda na
MANILA, Philippines — Tatagal lamang ng tatlong araw ang pagdinig tungkol sa kumpirmasyon ng mga kaso laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte para sa mga kasong crimes against humanity na inihain sa International Criminal Court (ICC).
Kaya dahil dito, sinabi ni ICC spokesman Fadi El Abdallah na, dapat maipakita ng prosekusyon ang pinakamalakas na ebidensya para suportahan ang kaso laban sa dating pangulo kaugnay sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon pa kay Abdallah, magpiprisinta ang prosekusyon ng mga ebidensya na kanilang gagamitin para sa kumpirmasyon ng mga kaso at dito rin maaaring maghain ng kontra ebidensya ang depensa at magbibigay ng kanilang mga obserbasyon ang mga abogado ng mga biktima.
Maaari rin aniyang magharap ng mga tesatigo ang parehong prosekusyon at depensa at maaaring sumailalim sa cross-examination.
Dahil dito kaya posibleng humarap si Duterte sa mga testigo sa nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23, 2025.
Sa gaganaping pre-trial, maaari rin magdesisyon ang mga judges ng ICC kung ibabasura ang kaso o itutuloy ang trial laban sa dating pangulo.
Subalit maaari namang abutin ng 60 araw bago mag-isyu ang korte ng desisyon kung itutuloy o hindi ang pagdinig laban kay Duterte.
- Latest