2 dayuhang pupuslit ng Pinas naharang sa NAIA

MANILA, Philippines — Hindi nakalusot ang dalawang banyaga na tangkang pumuslit ng bansa na sasakay sa magkakahiwalay na flight nang arestuhin ng Bureau of Immigration (BI) sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ang mga ito na sina Jaime Alan Strauss, 37, isang Australian, na naharang sa NAIA 1 at Zverev Zakhar, 24, isang Russian, na na-engkwentro sa NAIA 3.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang dalawang pasahero ay naharang sa magkahiwalay na okasyon sa NAIA 1 at 3 terminal bago sila makasakay sa kanilang mga outbound flights.
Sinabi ni Viado na ang mga dayuhan ay dinala sa kustodiya matapos nakitaan ng derogatory record ng BI.
“Ipapatapon sila para malitis at maparusahan sa mga krimen na kanilang ginawa pagkatapos ay isasama sila sa aming blacklist at pagbawalan na muling pumasok sa Pilipinas,” sabi ni Viado
Ayon kay BI-Interpol acting chief Peter de Guzman, sila Strauss at Zverev ay kapwa may red notice na inilabas ng Interpol dahil sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanila sa Panama at Russia.
- Latest