Hiyasmin (229)
“Alam kong wala na akong magagawa pa dahil tuluyan na akong iniwasan ni Rashid. Kapag hindi ako gumawa ng paraan, mabubuking na ang ‘lihim’ ko at baka mas lalong malaking problema ang kaharapin ko. Kaysa mag-iiyak ako dahil sa ginawang pag-iwas ni Rashid, gumawa ako ng sulat na kunwari ay galing sa Pilipinas na nagsasabing namatay ang tatay ko at kailangang makauwi sa lalong madaling panahon.
“Ipinakita ko ang sulat sa amo kong lalaki at babae. Pumayag ang mga ito. Ibinigay ang lahat ng suweldo ko. Bumalik daw ako sa kanila. Pero sa loob-loob ko lang, wala nang balikan. Ayaw ko na ring makita ang kanilang anak.
“Nang makarating ako sa NAIA, saka lamang ako nakahinga nang maluwag. Nakalabas na ako sa Kuwait at kailangan ko namang harapin ay kung paano ko sasabihin kina Itay at Inay ang nangyari sa akin.
“Hindi ko alam kung paano ko ipagtatapat na nabuntis ako ng anak ng aking amo. Tiyak na magtataka sina Itay at Inay kung bakit bigla akong umuwi at wala man lang pasabi. Hindi ko alam ang gagawin.
“Sa dakong huli, matapang kong hinarap ang problema—malakas ang kutob ko, mauunawaan nina Itay at Inay ang aking kalagayan. (Itutuloy)
- Latest