Ika-2 dikit sapol sa Lady Spikers

MANILA, Philippines — Apat na sets ang pinalo ng De La Salle University upang pagulungin ang University of the East, 25-12, 23-25, 25-14, 25-17, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Tumikada si dating Rookie-MVP Angel Canino ng 20 points mula sa 14 attacks, tatlong blocks at tatlong service aces bukod sa 10 digs at siyam na receptions para sa 3-2 kartada ng Lady Spikers at saluhan sa No. 3 sa team standings ang Far Eastern University Lady Tamaraws.
“Hindi naging maganda ‘yung result ng game although we won pero hindi iyon ‘yung gusto naming makita sa kanila,” sabi ni deputy coach Noel Orcullo.
Nakatuwang ni Canino sa opensa sina Alleiah Jan Malaluan, Jyne Soreño, Amie Provido at Mikole Reyes para ibangon ang La Salle mula sa kabiguan sa UE sa second set.
Kumana sina Malaluan at Soreno ng tig-12 markers, habang may 11 points si Provido at tatlong puntos ang ambag ni Reyes.
Mayroon ding 23 excellent sets at anim na digs si Reyes.
Pakay ng Lady Spikers na ikahon ang three-game-winning streak kontra sa Ateneo Blue Eagles sa Miyerkules sa parehong venue.
Hindi naman sumapat ang 17 markers na kinana ni Nessa Bangayan para akbayan sa panalo ang minamalas na Lady Warriors.
Lalo silang nabaon sa 0-6 baraha.
Samantala, sinuwag ng Far Eastern University 23-25, 25-15, 25-13, 25-10 panalo kontra sa Adamson University sa pangalawang laro.
Bumida sa opensa para sa Lady Tamaraws si Gerzel Mary Petallo na inirehistro ang 16 points mula sa 14 attacks at dalawang service aces para masolo ang pangatlong puwesto ng team standings tangan ang 4-2 card
- Latest