Pangulong Marcos: Impeach Sara ‘bad timing’
MANILA, Philippines — Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi ito ang tamang panahon para isulong ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sagot ng Pangulo sa isang ambush interview kung ano ang kanyang reaksyon tungkol sa opinyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile hinggil sa posibleng maging precedent kapag hindi hinayaang gumana ang nakasaad sa Saligang Batas kaugnay ng mga isinusulong na impeachment complaint sa Bise Presidente.
Subalit agad na iginiit ng Pangulo na hindi ito ang tamang panahon para tutukan ang pagpapatalsik kay Duterte.
Aniya, best legal thinkers sa bansa si Enrile at totoo naman ang obserbasyon niya na mandato ng Kamara at Senado na dinggin ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte.
Gayunpaman, sinabi ng Pangulo na para sa kaniya, hindi ito ang tamang panahon.
Ipinunto niya na papasok na ang bansa sa panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections sa Mayo.
Mangangahulugan aniya na walang panahon na ang mga kongresista at senador na tututok para tugunan ang mga reklamong impeachment dahil sigurado aniyang mangangampanya na ang mga ito.
Tiyak aniyang hindi na makabubuo pa ng quorum para dinggin ang mga reklamo kaya malabo aniyang maaksyunan ito.
“Well, I don’t think that now is the time to go through that. So, ipaubaya na muna natin sa ating… Tutal as a practical matter, papasok na tayo sa campaign period. Wala ng congressman, wala ng senador dahil nangangampanya na sila. Hindi tayo makakapagbuo ng quorum. And so, as a practical matter, the timing is very poor,” ayon pa kay Pangulong Marcos.
- Latest