Kaso ng stroke, heart attack, asthma sumipa — DOH
MANILA, Philippines — Mahigpit na tinututukan ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga acute complications ng non-communicable diseases (NCDs) gaya ng stroke, acute coronary syndrome (ACS) at bronchial asthma, matapos na makapagtala ng pagtaas ng mga kaso nito bunsod na rin ng sunud-sunod na handaan at selebrasyon ngayong holiday season.
Sa datos ng DOH, nagkaroon ng 103 kaso ng stroke sa bansa mula Disyembre 22-30 sa walong ospital sa bansa na nagsisilbing sentinel sites.
Mula sa 12 kaso ng stroke noong Disyembre 23, umakyat ito sa 103 hanggang nitong Disyembre 30. Dalawa sa nasabing bilang ang namatay.
Ayon sa DOH, naitala nila ang pinakamataas na bilang ng stroke patients sa mga edad 45-64 anyos.
Samantala, mula naman sa dalawang kaso noong Disyembre 22, umakyat na sa 62 ang ACS patients mula sa sentinel sites hanggang Disyembre 30, kabilang ang isang namatay.
Karaniwang nasa edad 55-74 ang mga pasyenteng tinamaan ng ACS.
Ang ACS ay ilang kondisyon na nauugnay sa biglaang pagbabago sa daloy ng dugo sa puso. Kasama sa mga kundisyong ito ang myocardial infarction o atake sa puso.
Sa kaso naman ng bronchial asthma na nakukuha mula sa usok mula sa mga paputok, mula sa anim na kaso noong Disyembre 22, umakyat ito sa 63, pagsapit ng Disyembre 30.
Mga bata na mula 0-9 taong gulang ang karaniwang nagiging pasyente ng bronchial asthma.
Mahigpit ang paalala ng DOH sa publiko na pag-ingatan ang kanilang kalusugan at binigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa puso at baga.
Payo ng DOH, dapat na mag-ehersisyo araw-araw, umiwas sa pagkain ng mataba, matamis, at labis na maalat, gayundin sa labis na pag-inom ng alak.
Dapat din anilang iwasan ang mga mauusok na lugar lalo na sa pulbura ng paputok at tiyaking mayroong tamang gamutan o maintenance medicines.
- Latest