Zus Coffee tumukod sa Creamline
MANILA, Philippines — Hindi inasahan ng nagdedepensang Creamline na lalaban nang sabayan ang ZUS Coffee.
Ngunit sa huli ay nanaig ang eksperyensa ng Cool Smashers para takasan ang Thunderbelles, 25-22, 28-30, 26-24, 17-25, 15-13, sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Humataw sina Alyssa Valdez at Bernadeth Pons ng tig-17 points para akayin ang Creamline sa ikaapat na sunod na panalo at saluhan ang Cignal HD sa liderato.
Nag-ambag si Jema Galanza ng 15 markers habang may 14 points si Michele Gumabao.
“Even sa practice may mga instances na ganito eh. Kahit sa mga practice nate-train na rin namin iyong mental toughness namin,” wika ni Valdez sa hindi pagbigay sa pressure ng defending champion sa fifth set.
“I was just really enjoying the game. ZUS Coffee gave us a real hard time today, but we’re happy to get the win,” dagdag nito.
Bagsak ang Thunderbelles sa 2-3 at nakahugot kay Kate Santiago ng 19 points mula sa 13 attacks, 5 blocks at 1 service ace.
May 15 at 13 markers sina Thea Gagate at Chay Troncoso para sa ZUS.
Nakabalik ang Thunderbelles sa 22-24 matapos ibaon ng Creamline sa 19-10 sa first set.
Subalit ang crosscourt attack ni Gumabao ang nagbigay sa Cool Smashers ng 1-0 abante bago nakatabla ang Thunderbelles sa second frame.
Bumida si Pons sa third set para itawid ang Creamline sa 26-24 hanggang makabalik ang ZUS Coffee sa fourth frame para makahirit ng deciding fifth set.
- Latest