Brownlee dapat paglaruin sa PBA bilang local — ‘TOL’
MANILA, Philippines — May karapatan si Justin Brownlee ng Barangay Ginebra na gamitin ang lahat ng kanyang mga karapatan at pribilehiyo bilang isang naturalized Filipino.
Kasama rito ang paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang isang local player.
Ito ang iginiit ni Senador Francis ‘TOL’ Tolentino sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa Senate Resolution No. 701 na kanyang inihain.
“Malaki ang kontribusyon ni Brownlee sa paghahatid ng karangalan sa Pilipinas bilang manlalaro ng Gilas. Kasama rito ang makasaysayang gintong medalya sa Asian Games noong 2023 - ang pinakauna natin matapos ang 61 taon,” sabi ni Tolentino.
“Isinabatas ang Republic Act 11937 na nag-gawad ng Filipino citizenship kay Justin, hindi lang para magkaroon tayo ng naturalized import na ilalaban sa ibang bansa, kundi dahil naniniwala tayo sa kanyang kakayahan na mag-ambag sa pagsulong ng ating bayan,” dagdag ng author at sponsor ng naturang panukala noong 2023.
Kinuwestyon ni Tolentino ang discriminatory policy ng PBA na nagpapahintulot sa mga foreign players na makapaglaro sa liga bilang local player sa pagpapakita lang na mayroon silang Filipino lineage, habang pinagbabawalan ang naturalized players.
- Latest