Gilas No. 34 pa rin sa FIBA rankings
MANILA, Philippines — Hindi matinag ang Gilas Pilipinas sa No. 34th spot base sa inilabas na listahan ng FIBA world rankings.
Sariwa pa ang Gilas Pilipinas sa matagumpay na kampanya sa second window ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers.
Kaya naman malaking tulong ito para hindi gumalaw ang puwesto ng Pilipinas sa world rankings.
May ambag ang panalo ng Gilas Pilipinas sa New Zealand sa iskor na 93-89 at ang demolisyon nito sa Hong Kong sa pamamagitan ng 93-54 panalo para manatili sa puwesto.
Kasalukuyang may matikas na 4-0 rekord ang Gilas Pilipinas sa Group B para awtomatikong makuha ang tiket sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa susunod na taon sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nanaig din ang Gilas Pilipinas kontra sa Chinese-Taipei at Hong Kong sa first window ng qualifiers noong Pebrero.
Sa asian ranking, nasa ikapitong puwesto ang Pilipinas sa ilalim ng Australia, Japan, New Zealand, Iran, Lebanon at China.
Nananatili namang numbero uno ang Gilas sa Southeast Asian region.
Hawak ng powerhouse USA ang No. 1 spot sa world rankings kasunod ang Serbia, Germany, France at Canada.
Sunod na masisilayan sa aksyon ang Gilas sa Pebrero kung saan hahataw ito sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers.
Makakalaban ng Gilas ang Chinese-Taipei sa Pebrero 20 at New Zealand sa Pebrero 23.
- Latest