St. Benilde gustong masolo muli ang liderato sa 2nd round
MANILA, Philippines — Tatlong laro ang magbubukas sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Sasagupain ng College of St. Benilde ang Jose Rizal University ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang San Beda University at Mapua University sa alas-2:30 ng hapon.
Sa huling laro sa alas-5 ng hapon ay magtutuos ang San Sebastian College-Recoletos at Emilio Aguinaldo College.
Magkasosyo sa liderato ang Cardinals at Blazers sa magkatulad nilang 6-2 record kasunod ang Knights (6-3), Red Lions (5-3), Perpetual Altas (4-5), Lyceum Pirates (4-5), Heavy Bombers (3-5), Generas (3-5), Arellano Chiefs (3-6) at Stags (2-6).
Pilit na babangon ang St. Benilde sa nalasap na 71-73 kabiguan sa Arellano para muling masolo ang pangunguna.
Umiskor naman ang Jose Rizal ng 74-63 panalo sa EAC para buhayin ang tsansa sa Final Four.
“In the past losses, talagang we were competitive in three quarters but there’s always a quarter na talagang sobrang laki ng diperensya na di na kami nakakabalik. We cannot put ourselves in that deep hole,” ani Heavy Bombers’ coach Louie Gonzales.
Sa ikalawang laro, ididiretso ng Mapua ang ratsada sa apat sa pagharap sa San Beda.
Nasa three-game winning streak ang Cardinals, habang kumuha ng dalawang sunod na panalo ang Red Lions.
Tinalo ng San Beda ang Mapua sa NCAA Season 99 Finals.
“Una, rest muna tapos pagbalik ng ensayo siyempre may gigil pa rin, may hunger pa rin kasi hindi pa rin nawawala ‘yung sakit na ibinigay nila sa amin last year,” ani Cardinals star guard Clint Escamis sa Red Lions.
Nagmula ang Mapua sa 77-71 paggupo sa Arellano at tumipa ang San Beda ng 63-62 panalo sa Perpetual sa kanilang mga huling laro sa pagtatapos ng first round.
- Latest