James pinasiklaban agad ang Raptors
CLEVELAND - Nang umarangkada ang mga Cavaliers ay hindi na nakahabol ang Toronto Raptors.
Binuksan ng Cleveland ang kanilang Eastern Conference semifinals series sa pamamagitan ng 116-105 panalo na tinampukan ng 35 points at 10 rebounds ni LeBron James.
Kaagad kinuha ng Cavaliers ang 30-18 abante sa first quarter bago nakahabol ang Raptors sa second period.
Ngunit matapos ang nasabing pagbangon ng Toronto ay muling nag-init ang mga kamay ng Cleveland players para itarak ang 62-48 abante sa halftime.
Nagdagdag si Kyrie Irving ng 24 points at 10 assists, habang tumipa si Kevin Love ng 18 markers at 9 rebound para sa Cavaliers, nakahugot kay Tristan Thompson ng 11 points at 14 boards.
Rockets ginulat ang Spurs
Sa San Antonio, nagsalpak ang Houston Rockets ng 22 triples para sagpangin ang 126-99 panalo laban sa Spurs sa kanilang series opener sa Western Conference semifinals.
Kumonekta si Trevor Ariza ng limang triples at tumapos na may 23 points para sa Rockets na kinuha ang 34-23 bentahe sa first quarter at nilimitahan ang Spurs sa 16 points sa kabuuan ng second period.
Kumamada si James Harden ng 20 points at 14 assists, habang humakot si Clint Capela ng 20 markers at 13 rebounds.
Binitbit ng Houston ang 29-point lead papasok sa fourth period at nagdesisyon ang Spurs na ipahinga ang lahat ng kanilang starters.
- Latest