EDITORYAL - ‘Kidnapulis’

PAWANG mga pulis ang itinuturong kumidnap at pumatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-Joo noong Oktubre 18, 2017 sa bahay nito sa Pampanga. Nagbayad ng P5 milyon ang asawa ng Koreano. Pero kahit nagbayad, pinatay pa rin ang Koreano. Dinala ang bangkay sa isang punerarya sa Bagbaguin, Caloocan na pag-aari ng isang dating pulis at doon inimbalsamo. Pagkatapos ay dinala sa isang crematorium sa Maynila. Nang ma-cremate, iniutos daw ng isang dating PNP official na i-flush sa inidoro ang abo ng Koreano. Nabawi naman ang mga gamit ng Koreano, kabilang ang golf set. Positibong kinilala ng misis ng biktima na sa asawa nga niya ang mga gamit. Humihingi ng tulong kay Pres. Rodrigo Duterte ang biyuda. Gusto niyang makamit ang hustisya sa pagkamatay ng asawa. Nanawagan naman ang gobyerno ng South Korea sa Pilipinas na lutasin sa madaling panahon ang pagpatay.
Sumuko na sa National Bureau of Investigation (NBI) si SPO3 Ricky Sta. Isabel, isa sa mga suspect. Si Sta Isabel ay itinuro ng mga kapitbahay na umano’y nagmaneho ng SUV na pinagsakyan kay Jee. Una nang pinabulaanan ni Sta. Isabel ang paratang.
Tatlo pang pulis ang sinangkot sa kidnapping ni Jee. Sila ay sina Supt. Raphael Dumlao, Senior Police Officer 4 Roy Villegas at Police Officer 2 Christopher Baldomino.
Ayon sa report, inaresto ng mga pulis si Jee kaugnay sa illegal drugs pero napag-alaman na peke ang arrest warrant. Palalabasin na lehitimo ang operasyon kay Jee pero pangingidnap at saka hihingi ng ransom. Nagbigay ng ransom ang asawa ni Jee pero ang nakapagtataka ay kung bakit pinatay pa ang biktima.
Ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa, pinuprotektahan si Sta. Isabel ng isang retiradong police official na pinangalanan ni Duterte na sangkot sa illegal drugs.
Nakakatakot na ang ginagawa ng mga pulis ngayon. Ginagawang dahilan ang kampanya sa droga para makapangidnap. Sana naman, hindi kampihan ni Duterte ang mga “kidnapulis’’. Kapag ginawa niya ito, malaking kuwestiyon na ang kanyang paniniwala sa mga alagad ng batas. Dapat namang kumilos si Dela Rosa para lubusang mabasag ang mga bugok sa pinamumunuang organisasyon. Babagsak na naman ang PNP dahil dito.
- Latest