‘I want to die in my country’

Digong gusto nang umuwi
MANILA, Philippines — Dahil sa katandaan, nais na ni dating pangulong Rodrigo Duterte na bumalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Ito ang sinabi ni Vice President Sara Duterte sa panayam ng mga reporter sa labas ng Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands nitong Biyernes matapos ang halos isang oras na pag-uusap sa telepono sa kanyang ama.
Ayon sa Bise Presidente na habang maganda ang kalagayan ng kanyang ama, paulit-ulit nitong binanggit na nais nitong umuwi.
“He said, ‘I am an old man, I can die anytime but I want to die in my country’,” ayon pa sa Bise Presidente.
Sagot naman aniya ni VP Sara na nauunawan niya ang ama kaya patuloy na nagtatrabaho ang kanilang mga abogado araw-araw sa kanyang kaso at may bumibisita rin sa dating pangulo at pinapaliwanag kung ano ang kanilang ginagawa.
Nauna nang sinabi ni Nicholas Kaufman, abogado ng dating pangulo na plano nilang magsampa ng petisyon sa International Criminal Court (ICC) para sa pansamantalang pagpapalaya ni Duterte.
Sa tanong naman sa posibleng scenario na maaaring maaprubahan ng korte ang petisyon para sa pansamantalang pagpapalaya subalit hindi sa Pilipinas dadalhin kundi sa ibang bansa na kasapi ng ICC, sinabi ni VP Sara na ipinapaubaya niya sa Defense team ang pinakamahusay na legal strategy para rito.
- Latest