Sandro: ‘Huhukayin lolo ko’ kaya pumirma sa impeachment ni VP Sara
![Sandro: ‘Huhukayin lolo ko’ kaya pumirma sa impeachment ni VP Sara](https://media.philstar.com/photos/2025/02/08/sandro_2025-02-08_00-02-16.jpg)
MANILA, Philippines — Hindi na dapat pang pagtakahan kung bakit naunang pumirma sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Sa isang ambush interview sinabi ni Cong. Sandro na ito ay dahil sa pagsasabi ng Bise Presidente na huhukayin ang bangkay ng kanyang lolo na si dating President Ferdinand Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea (WPS).
Gayundin sa pahayag ni VP Sara na gustong patayin ang kanyang mga magulang na sina Pangulong Marcos, First Lady Liza at House Speaker Martin Romualdez.
Ang nasabing pahayag aniya ay hindi dapat na ipagwalang bahala lalo na at galing ito sa isa sa pinakamataas na lider ng bansa.
“Nagtataka na nga ako bakit nagulat pa ang tao, alangan naman na kung sasabihin ng tao na huhukayin ang bangkay ng lolo mo at itatapon sa West Philippine Sea of course i’ll be the first one to sign” saad pa ng kongresista.
Nilinaw naman ni Cong. Sandro na hindi siya ang nanguna sa ika-apat na complaint laban sa Bise Presidente kundi nabigyan lang ng pagkakataon para pumirma.
Itinanggi naman ng anak ng Pangulo na binayaran ang mga taong pumirma sa impeachment at bahagi lang aniya ito ng fake news ng DDS at smear campaign para idiscredit ang movement.
“Nothing offered for the signature, I was there in the room ang pinag-uusapan talaga ay ang articles of the impeachment, and people were given choice to sign or not”, ayon pa sa kongresista.
- Latest