‘Ako ang makulong’: Duterte inako drug war
MANILA, Philippines — Inako ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang madugong giyera laban sa ilegal na droga kung saan tahasan niyang ipinagtanggol ang naging hakbang at ipinaliwanag kung bakit niya ito ginawa.
Sa kanyang pagharap sa Senate Blue Ribbon subcommittee on the War on Drugs kahapon, mariing sinabi ni Duterte na hindi dapat kuwestyunin ang kanyang polisiya at hindi siya hihingi ng tawad o magbibigay ng “excuses” dahil ginawa niya ang dapat gawin.
“My mandate as President of the Republic was to protect my country and the Filipino people. Do not question my policies because I offer no apologies and no excuses. I did what I had to do,” bungad ni Duterte sa pagdinig.
Hiniling din ni Duterte sa panel na tratuhin siya bilang isang “saksi,” kasabay ang pag-ako ng “full responsibility” sa ginawa ng mga pulis sa pagsunod sa kanyang utos laban sa ilegal na droga.
“I and I alone, take full legal responsibility sa lahat ng nagawa ng mga pulis pursuant to my order. Ako ang managot at ako ang makulong. ‘Wag ang pulis na sumunod sa order ko. Kawawa naman, nagtatrabaho lang,” ani Duterte.
Isinagawa niya ang “War on Illegal Drugs” upang protektahan ang mga Pilipino.
Ayon pa kay Duterte, muli na namang tumataas ang bilang ng drug-related crimes kung saan nire-rape ang mga bata, pinapatay at pinagnanakawan ang mga tao at kamakailan lamang aniya ay isang drug den ang na-raid sa loob ng Malacañang complex.
Maliwanag aniya na bumalik na naman sa kanilang negosyo ang mga nagpapakalat ng ilegal na droga.
- Latest