Chinese vessels balik uli sa Scarborough Shoal
MANILA, Philippines — Matapos ang hagupit ng bagyong Enteng nitong nakalipas na linggo, nagsibalikan na ang mga barko ng China sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc) sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa isang US analyst.
Sa kaniyang social media post, sinabi ni Ray Powell, Director ng US Sealight, base sa Automatic Identification System (AIS) tracking ay nakita ang tinatayang nasa anim na Qiong Sansha Yu maritime militia ships at isang Chinese Coast Guard (CCG) vessel na mula sa Mischief Reef ay nagbalikan at umaaligid na muli sa Bajo de Masinloc.
Ang nasabing mga barko at Maritime Militia ships ng China ay pansamantalang umalis sa Scarborough Shoal bago pa man bumayo ang bagyong Enteng
Sa pinakahuling monitoring ng Phl Navy, tumaas sa 203 vessels ng China ang idineploy ng Beijing sa WPS na pinakamataas na bilang sa taong ito.
Inihayag pa ni Powell na sa Escoda (Sabina) ay mahigit 20 Chinese ships ang pumapalibot sa BRP Teresa Magbanua, ang nag-iisang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagtatanod sa lugar.
Isa pang barko ng China ang naispatan naman sa Ayungin (Second Thomas Shoal) kung saan naman nakahimpil ang BRP Sierra Madre, na nagsisilbing kanlungan ng Philippine Navy personnel na nagtatanod sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa sa WPS.
Kaugnay nito, pinuna pa ni Powell ang deployment ng mga barko at maritime militia ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) sa Malaysia at Vietnam kung saan pinakaagresibo ang mga ito sa teritoryo ng Pilipinas.
- Latest