Davison kailangan ng suporta
MANILA, Philippines — Ang sapat na suporta para kay Fil-Canadian Savi Davison ang inaasahan ni PLDT Home Fibr head coach Rald Ricafort sa pagbabalik ng mga aksyon sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference bukas sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang dalawang sunod na kabiguan ang naghulog sa kartada ng High Speed Hitters sa 3-2 para sa pagsosolo sa fifth place sa pagtatapos ng taong 2024.
“Ang nagiging struggle lang talaga namin numbers-wise, walang makasabay sa ine-expect na support na numbers,” wika ni Ricafort.
Sina wing spikers Erika Santos at Fiola Ceballos ang dapat tumulong kay Davison sa opensa ng PLDT.
Winalis ng High Speed Hitters ang Nxled Chameleons, Galeries Tower Highrisers at Capital1 Solar Spikers sa una nilang tatlong laro sa kumperensya.
Kasunod nito ay ang kanilang pagyukod sa Chery Tiggo Crossovers at Petro Gazz Angels.
Laban sa Crossovers ay humataw si Davison ng 27 points, samantalang pumalo naman siya ng 28 markers kontra sa Gazz Angels.
“Ang frustrating siguro sa part namin, nandoon na halos eh, lineup-wise and potential-wise kaya naman talaga dapat makasabay pero may mga factors na hindi namin ma-control na nagpapababa,” dagdag ni Ricafort.
Sa pagbabalik ng torneo bukas sa PhilSports Arena ay lalabanan ng PLDT ang Akari sa alas-6:30 ng gabi.
- Latest