Winning streak pakay ng Bolts at tropang Giga
MANILA, Philippines — Muling sasalang sa aksyon ang Meralco sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos noong Linggo.
Lalabanan ng Bolts ang TNT Tropang Giga ngayong alas-7:30 ng gabi makaraan ang salpukan ng Phoenix Fuel Masters at Terrafirma Dyip sa alas-5 ng hapon sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Meralco ang dalawang dikit nilang kamalasan mula sa 88-83 paggupo sa guest team Eastern.
“This type of games we live for because it shows our character,” sabi ni coach Luigi Trillo sa kanilang panalo sa Hong Kong team. “Kapag natatalo ka ng two games, it’s easy to pinpoint, finger push. But I thought they were great.”
Sumasakay ang TNT sa isang two-game winning run matapos ang 0-2 panimula sa torneo.
Ang hulng dalawang biniktima ng mga bataan ni mentor Chot Reyes ay ang Magnolia, 103-100, at Blackwater, 109-93.
Magtatapat sina imports Akil Mitchell ng Bolts at import Rondae Hollis Jefferson ng Tropang Giga.
Sinabi ni Reyes na nabigyan ng sapat na panahon ang two-time PBA Best Import winner na si Hollis-Jefferson sa Christmas break ng PBA simula noong Araw ng Pasko.
“If you noticed, he’s not 100 percent because he has a slight ankle sprain. Hopefully, this break helped him get better and recover,” wika ni Reyes kay RHJ.
Samantala, iiwasan ng Phoenix na maging unang biktima ng Terrafirma.
May 1-5 baraha ang Fuel Masters, habang bitbit ng Dyip ang 0-7 marka.
“They’re gunning for their first win so I’m sure they’re very prepared also,” ani Phoenix coach Jamike Jarin sa Terrafirma.
“I’m sure they’re confident going in against us because we’re just one game ahead of them. Those are the things we need to look out for,” dagdag nito.
Parehong nakalasap ng pagkatalo ang Fuel Masters at Dyip sa kanilang mga huling laban.
Yumukod ang Phoenix sa Converge, 105-116, habang minalas ang Terrafirma naman sa Rain or Shine, 112-124.
- Latest