^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hindi na ito joke

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Hindi na ito joke

Inihahanda na ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa sinabi nitong ipapapatay si President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez noong Sabado na inihayag nang live sa Facebook. Padadalhan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena si Sara at pagpapaliwanagin sa kanyang bantang pag­papapatay.

Sa press conference, sinabi ni Sara, ‘“Wag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke. Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag namatay ako, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila.”

Kahapon, tinapos na ni Marcos ang pananahimik makaraan ang pagbabanta ni Sara sa kanyang buhay. Sabi ni Marcos: “Nakakabahala ang mga pahayag na narinig natin nitong mga nakaraang araw. Nandiyan ang walang pakundangang pagmumura at ang pagba­banta ng planong ipapatay ang ilan sa atin. Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? ‘Yang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. ‘Yan ay aking papalagan.”

Hindi ito ang unang pagbabanta ni Sara kay Marcos. Minsan sinabi niyang gustong pugutan ng ulo si Marcos. May kaugnayan umano sa nangyari noong Abril na gra­duation sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City. Isang nagtapos na kadete ang humiling­ umano kay Marcos na hingin ang relo nito bilang gra­duation gift. Pero tinanggihan daw ni Marcos ang hiling­ ng kadete. Gusto raw pugutin ni Sara ang ulo ni Marcos ng mga sandaling iyon. Naawa raw siya sa kadete na pinagtawanan pa raw ng dalawang katabi niya sa upuan. Toxic na raw ang samahan nila ni Marcos.

Ilang buwan na ang nakararaan, nagbitiw uli nang hindi magandang pananalita si Sara laban kay Marcos. Huhukayin daw niya ang bangkay ni dating President Ferdinand Marcos Sr. at itatapon ito sa West Philippine Sea. Gagawin daw niya ito kapag hindi siya tinigilan sa mga ginagawa sa kanya.

Hindi na biro ang mga huling binitiwang salita ni Sara laban kay Marcos. Dapat na talagang palagan sapag­kat seryosong banta. Dapat sampahan ng kaso. Kung ang mga karaniwang mamamayan na nagbibiro na may dala silang bomba ay agad sinasampahan ng kaso, dapat ganito rin ang gawin sa Vice President na lanta­rang sinabi may kinausap na siyang papatay sa Presidente.

Kung hindi siya kakasuhan, mauulit pa ito at baka mas malala pa ang gawing pagbabanta. Hindi na biro ang mga sinabi ng VP.

NBI

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with