Cardinals inihulog ang Stags sa ika-5 kabiguan
MANILA, Philippines — Nagpasabog si Cyrus Cuenco ng career-high 26 points para gabayan ang Mapua University sa 91-72 paglamog sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagsalpak din si Cuenco ng apat na three-point shots, habang may 25 markers si reigning Most Valuable Player Clint Escamis para sa 4-2 record ng Cardinals.
Nag-ambag si rookie Chris Hubilla ng 12 points.
“Iyong last game namin ‘yung defense namin medyo pangit eh. Kaya nag-focus lang kami sa individual defense,” sabi ni Cuenco.
Bagsak ang Stags sa pang-limang sunod na kamalasan matapos ang 2-0 panimula sa torneo.
Mula sa 39-35 halftime lead ay humarurot ang Mapua sa third quarter para ibaon ang San Sebastian sa 65-48.
Nakapagposte pa ang Cardinals ng isang 20-point lead sa fourth period para sa dominasyon sa second half.
Pinamunuan ni TJ Felebrico ang Stags sa kanyang 20 points kasunod ang 17 markers ni Rafael Are.
Sa ikalawang laro, kaagad bumagon ang College f St. Benilde mula sa kauna-unahang kabiguan matapos kuyugin ang Lyceum of the Philippines University, 103-78.
Kumolekta si center Allen Liwag ng 22 points at 12 rebounds para sa 5-1 baraha ng Blazers at patuloy na solohin ang liderato.
Nahinto naman ang three-game winning streak ng Pirates para sa kanilang 3-3 marka.
- Latest