Mayang (181)
“PATAWARIN ninyo ako, Mayang at Jeff dahil hindi na ako nakapagpaalam sa inyo. Gusto ko kasing makarating nang maaga rito para makapaglinis na rin dito sa musuleo. Ginamas ko rin ang mga damo sa paligid. Sa ilang buwan na hindi ko pagpunta rito ay naging masukal na ang paligid ng libingan ni Encar. Nakakaawa naman siya kung mapapaligiran ng damo ang kanyang libingan,’’ sabi ni Lolo Nado na gumaralgal ang boses.
“Wala kang dapat alalahanin, Lolo Nado. Naiintindihan namin ni Jeff ang ginawa mo. May kasalanan din kami kung tutuusin dahil hindi ka namin natanong man lang kung dadalaw ka rito sa puntod ni Lola Encar. Nakalimutan namin, Lolo kaya pasensiya na rin.”
“Oo nga po Lolo Nado, sorry dahil hindi ka man lang namin natanong. Hayaan mo at mula ngayon, linggu-linggo na tayong pupunta rito,’’ sabi ni Jeff at tinapik-tapik sa balikat si Lolo Nado.
“Salamat Jeff, Mayang. Napakabuti ninyong mag-asawa. Hindi ko rin kasi nasabi sa inyo na gusto kong dumalaw dito dahil nahihiya ako. Masyado kayong busy sa tindahan sa palengke. Sabi ko sa sarili, bahala na kung maalala n’yo na gusto kong dumalaw. Kung hindi, okey lang.’’
“Nalimutan talaga namin Lolo,’’ sabi ni Jeff.
“Pero Lolo, talaga bang nakatulog ka sa tabi ng nitso ni Lola Encar?’’ tanong ni Mayang.
“Oo Mayang. At alam n’yo, nanaginip pa ako na katabi si Encar sa pagtulog. Parang nagbalik ang kahapon na masaya kaming magkasama at nagkukuwentuhan bago matulog. Akala ko totoong-totoo!”
Nagkatinginan sina Jeff at Mayang.
Nahihiwagaan sila sa sinabi ni Lolo Nado.
(Itutuloy)
- Latest