Aksidenteng paglalagay ng super glue sa mata dahil napagkamalang eye drops, tumataas ang kaso sa U.S.!
ISANG nakakabahalang trend ang napansin ng mga doktor mula sa UCHealth sa Colorado, USA. Ito ay ang dumaraming bilang ng mga pasyenteng aksidenteng naglalagay ng super glue sa kanilang mata sa halip na eye drops.
Dahil dito, nagbabala ang mga eksperto na maging maingat sa paggamit ng mga produktong may magkahawig na lalagyan.
Ayon kay Dr. Richard Davidson, isang ophthalmologist sa UCHealth, hindi na bago ang ganitong klase ng insidente, ngunit patuloy itong nangyayari. “May mga buwan na wala kaming natatanggap na kaso, pero bigla na lang may dalawa o tatlong pasyente ang pumupunta sa amin na may ganitong problema,” aniya.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng ganitong insidente ay ang halos magkakaparehong bote ng eye drops at iba pang produkto tulad ng nail glue, lash glue, eye makeup glue, at ear drops.
Dahil dito, maraming tao ang hindi namamalayan na ang ipinapatak nila sa mata ay hindi pala gamot, kundi isang kemikal na maaaring magdulot ng matinding hapdi at pananakit.
Noong 2024, isang TikTok user na si @breezybre416 ang nag-viral matapos niyang ibahagi ang kanyang karanasan nang aksidenteng mailagay ang nail glue sa kanyang mata.
Marami ang nagulat at naalarma sa kanyang sinapit, kaya’t muling nabigyang-pansin ang problemang ito.
Dahil mabilis matuyo ang pandikit, lalo na ang nail glue, ipinapayo ni Dr. Davidson na agad itong banlawan nang maraming tubig upang mabawasan ang dumikit na substance. “Kung makakahanap ka ng gripo o lababo, hugasan agad ito,” aniya.
Sa mas malalang kaso, kinakailangang kayurin ng mga doktor ang pandikit mula sa ibabaw ng mata ng pasyente. Bagamat bihirang magdulot ito ng permanenteng pinsala, maaari itong magdulot ng matinding discomfort o hapdi sa loob ng ilang araw.
Upang maiwasan ang ganitong mga aksidente, mahigpit na ipinapayo ng mga eksperto na: Laging basahin ang label ng bote bago ipatak sa mata; Itabi nang hiwalay ang eye drops mula sa ibang produkto upang hindi mapagkamalan; at Huwag gumamit ng eye drops sa madilim na lugar upang maiwasan ang maling pagpili ng bote.
Bagamat bihirang nauuwi sa seryosong pinsala ang ganitong mga insidente, ito ay isang paalala sa publiko na ang pagiging maingat at mapanuri sa mga produktong ginagamit sa katawan ay maaaring makaiwas sa matinding abala, sakit, at panganib.
- Latest