EDITORYAL — Rumaratsada ang fake news

GRABE na ang pagkalat ng fake news. Lalong dumami ang nagpapakalat ng mga maling balita at impormasyon mula nang maaresto si dating President Rodrigo Duterte dahil sa kasong crime against humanity na ipinatupad ng Interpol sa utos ng International Criminal Court (ICC). Nasa detention center na ng ICC sa The Hague ang dating Presidente.
Ayon sa SWS survey na ginawa mula Pebrero 15-19, ang pagkalat ng fake news ay tinuturing na seryosong problema ng nakararaming Pilipino. Fifty nine percent ang nagsabi na ang fake news sa internet ay masyadong seryoso.
Isang araw makaraang mailipad si Duterte, bumuhos ang mga nakapapangambang balita na magkakagulo raw kaya kailangang mag-istak ng pagkain, tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan dahil magpa-panic buying. Magkakaroon daw ng brownout kaya ihanda na ang generator at power bank. Sabi pa ng isang vlogger, lulusubin daw ang mga supermarket at pati banko kaya mag-withdraw na raw ng pera.
Halos kasabay ng pananakot na magkakaubusan ng pagkain, gamot at tubig, biglang kumalat sa social media na may mass resignation sa Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na sa Philippine Army bilang pagpapakita ng suporta kay dating President Duterte matapos itong ipaaresto ng ICC. Subalit pinabulaanan ito ng AFP at sinabing walang katotohanan ang balita. Fake news umano ang kumalat na mass resignation ng mga sundalo. Walang military unrest. Hindi dapat paniwalaan ang mapanirang balitang ito, ayon sa AFP.
Nararapat kumilos ang mga awtoridad para mahuli ang mga nagpapakalat ng fake news. Nararapat kumilos ang NBI Cybercrime Division para masampahan ng kaso ang vlogger na nagpapakalat ng mga fake news.
Kung walang masasampolan sa mga vlogger na nagkakalat ng mali o pekeng balita o impormasyon, magpapatuloy ito at lalo pang lulubha ang problema. Maraming masisira dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon. Maraming matatakot at walang ibang maaapektuhan kundi ang mamamayan mismo.
Ang pagkilos ng NBI ay nararapat sa nangyayaring pagkalat ng fake news. Sabi ni NBI Director Jaime Santiago, may inihahanda na raw silang kaso sa mga vlogger na nagpapakalat ng mga peke at nakasisirang impormasyon. Hindi raw sila titigil hanggat hindi nahuhuli ang mga ito at napaparusahan.
- Latest