Labi ng 2 pilotong nasawi sa bumagsak na jet fighter dumating na sa Villamor Air Base

MANILA, Philippines — Binigyang pugay ng Philippine Air Force (PAF) ang dalawa nitong piloto na nasawi sa pagbagsak ng FA-50 fighter jet sa Mount Kalatungan Complex, Bukidnon matapos na dumating na ang labi ng mga ito sa Villamor Air Base sa Pasay City nitong Sabado.
Ang labi nina Major Jude Salang-oy at First Lt. April John Dadulla ng 5th Fighter Wing ay inilipad mula sa Cagayan de Oro City lulan ng C-130 cargo plane na lumapag sa Villamor Air Base bandang alas-3 ng hapon.
Ang kabagong ng dalawang piloto ay tinakpan ng bandila ng Pilipinas at sinalubong nina Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto Teodoro Jr. , Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief, General Romeo Brawner Jr, PAF Chief Lt. Gen. Arthur Cordura at iba pang mga opisyal ng defense at AFP.
Samantalang nagbigay pugay rin sa mga bayaning PAF pilots si Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo na kumatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawaran naman ng full military honors ang labi nina Salang-oy at Dadulla at ng Distinguished Aviation Cross, ang pinakamataas na pagkilala sa PAF para sa ipinamalas na kabayanihan sa pagtupad ng misyon.
Magugunita na noong Martes bago maghatinggabi ay napaulat na nawawala ang FA-50 fighter jet OO1 na nagsagawa ng tactical night operations na kinabukasan ay nadiskubreng bumagsak sa Mt. Kalatungan Complex sa Brgy. Mirayun sa pagitan ng hangganan Pangantucan at Talakag, Bukidnon kung saan wasak na wasak ang eroplano habang narekober rin ang labi ng dalawang piloto sa lugar.
- Latest