2 lola na seller ng gamot na pampalaglag, timbog
MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang lola nang mahuli ng mga pulis na nagbebenta ng mga gamot na pampalaglag sa Quiapo, Manila kamakalawa.
Ayon kay PLtCol. John Guiagui, ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Merlita Cayanan, 65, biyuda, ng Brgy. Commonwealth, Quezon City; at Veronica Borja, 56, ng Quiapo, Maynila.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-3:06 ng hapon nang ikasa ang operasyon sa pangunguna ni PCapt. Joel Aquino, ng MPD District Intelligence Division (DID), sa Quezon Boulevard, kanto ng Paterno St., sa Quiapo.
Bago ang pag-aresto, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa laganap na bentahan ng tabletang pampalaglag, sa halagang P500 kada tableta.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na Rotec tablet, P500 na marked money at isang plastic na naglalaman ng walong tabletang puti at isang papel na nakasulat kung papaano iinumin ang gamot.
Nakapiit na ang mga suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9711 o Food And Drug Administration Act of 2009 sa piskalya.
- Latest