MANILA, Philippines — Matapos ang tatlong linggong pagkaantala, ipagpapatuloy na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE) ngayong Lunes, Enero 27.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, lumiham na sila sa Korte Suprema upang ipabatid dito na ipagpapatuloy na nila ang pag-iimprenta ng balota ngayong Lunes, kahit pa batid nilang may mga nakabinbing pang petisyon sa Mataas na Hukuman.
Giit pa ni Garcia, hanggat walang inilalabas na temporary restraining order (TRO) ay tuluy na tuloy ang muling pag-iimprenta sa balota.
Matatandaang una nang ipinatigil ng poll body ang pag-iimprenta ng mga balota kasunod ng TRO na inilabas ng Korte Suprema, laban sa diskuwalipikasyon ng limang kandidato sa eleksiyon.
Nagresulta ito sa pagkasayang ng higit anim na milyong naimprentang balota, na nagkakahalaga ng P132 milyon.
Tiniyak naman ni Garcia na magdodoble kayod ang poll body upang matapos ang ballot printing sa target date nito.