6 ‘tulak’ timbog sa higit P. 7 milyong shabu sa Camanava area
MANILA, Philippines — Anim na pinaniniwalaang mga high value ‘tulak’ ang naaresto sa higit P. 7 milyong halaga ng shabu sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Caloocan, Malabon at Navotas.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director PCol. Josefino Ligan, ang mga suspek na sina alyas Nano, 48, welder; alyas Bonsai, 34; alyas Jeng Jeng, 51; alyas Jeje, 28; alyas Regan, 41 at alyas Emman, 46.
Sa isinumiteng report ni Caloocan City Police PCol. Edcille Canals, sina “Nano”, “Bonsai” at “Jeng-Jeng” na pawang mga residente ng lungsod ay nakalawit ng mga tauhan ni PLt. Restie Mables, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isinagawang buy-bust sa Mithi St., Brgy. 24, bandang alas-4:30 ng madaling araw. Nakuha sa mga ito ang nasa 27 grams na may katumbas na halagang P183,600.
Sa Malabon City, sinabi ni Malabon City Police PCol. Jay Baybayan na alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang masamsam mula kina “Jeje” at “Regan” ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang nasa 25.75 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P175,100 sa Kapitan Tiago Street at Ibarra Street, Barangay Acacia, Malabon City.
Habang sa Navotas City, bandang alas-10:35 ng gabi nitong Sabado nang arestuhin sa buybust operation si “Emman” ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Navotas City Police sa pamumuno ni PCol. Mario Cortes sa Barangay Bangkulasi, Navotas City. Nasabat dito ang nasa 54.39 gramo ng shabu, na may halagang P369,852.00.
Binigyan diin ni Ligan na ang mga anti illegal drug operations sa Camanava area ay alinsunod sa programa ni NCRPO chief PBGen. Anthony Aberin na linisin ang Metro Manila mula sa mga addict at ‘tulak’.
Tiniyak ni Ligan na mas paiigtingin pa nila ang kanilang kampanya upang makamit ang drug free Metro Manila.
Ang mga suspek ay sasampahan ng paglabag sa Section 5 (Sale), Section 11 (Possession), at Section 26 (Conspiracy) ng Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
- Latest