Philippine sports nagluluksa sa pagkamatay ng SEAG champ
MANILA, Philippines — Nagluluksa ang Philippine sports community sa pagkamatay ni dating Southeast Asian Games gold medalist Mervin Guarte.
Napatay ang 33-anyos na Pinoy athlete matapos itong pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Bumuhos ang pakikiramay mula sa mga kasamahan nitong atleta gayundin sa ilang mga sports agencies at leaders.
Una na sa listahan si Tokyo at Paris Olympics veteran EJ Obiena na nag-iwan ng mensahe sa kanyang mga social media accounts.
“I just learned the devastating news of the shocking death of my friend and National Teammate Kuya Mervin Guarte. May his soul rest in peace, and I am sending my deepest condolences to his family and loved ones. What a tragedy. Only 33 years old,” ani Obiena.
Sinariwa ni Obiena ang mga panahon na nakasama nito si Guarte sa national team noong bahagi pa ito ng athletics team kung saan sinamahan nito ng picture ang kanyang post.
May kani-kanyang post din sina Olympian boxer Eumir Marcial, boxer Adan Gonzales, obstacle champion Mark Julius Rodelas at ang Philippine Sports Commission.
Naging bahagi si Guarte ng national athletics team kung saan nanalo ito ng dalawang pilak — sa 800m at 1500m — sa 2011 Jakarta SEA Games at isang pilak sa 2013 Myanmar SEA Games sa 800m.
Lumipat si Guarte sa obstacle course kung saan nakasungkit ito ng gintong medalya noong 2019 Manila SEA Games at 2023 Cambodia SEA Games.
- Latest