‘Palit ulo victims’ wagi vs private hospital
MANILA, Philippines — Maituturing na malaking regalo ngayong Pasko sa apat na biktima ng ‘palit ulo scam’ ng ACE Medical Center ang tig-P1 milyon na tinutukan at trinabaho ng Valenzuela LGU sa loob ng pitong buwan.
Sa ginanap na press conference kahapon, sinabi ni Mayor Wes Gatchalian na nakipagpulong sila ni Councilor Bimbo dela Cruz na kumatawan din sa LAMP SINAG na nagkasundo na lamang sila ng nabanggit na ospital na bigyan ng P1milyon ang apat na biktima para maayos na relasyon ng LGU at private hospital.
Ayon kay Gatchalian, sobra sobra na ang hirap, pagod at trauma ng mga biktima kaya minabuti nila na gawin ang nararapat na pabor sa magkabilang panig.
Matatandaang nagkaroon ng isyu ang ACE Medical Center bunsod ng pangho-hostage sa kaanak ng mga pasyente na hindi nakakabayad ng hospital bill.
Dahil dito, nagpasa na rin ng Anti-Hospital Detention Ordinance ang Valenzuela City na ipinagbabawal ang ‘pangho-hostage’ sa kaanak ng pasyente, bangkay, at hindi pagbibigay ng death certificate o birth certificate ng mga unpaid balance sa naturang ospital.
Binigyan diin ni Gatchalian na isang 7-anyos na bata ang nabigyan na ng birth certificate matapos ang 7 taon.
Nilinaw ni Gatchalian na sakop ng nasabing ordinansa ang lahat ng private hospital. Ani Gatchalian hindi kalaban ng LGU ang mga private hospital subalit kailangan lamang na ipatupad ang nararapat.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Health Secretary Ted Herbosa na wala naman silang namonitor na katulad na kaso sa iba pang sangay ng ACE Medical Center.
- Latest