MANILA, Philippines — Dalawang mangingisda ang iniulat na nawawala matapos ang mga itong pumalaot sa karagatan ng Brgy. Santo Niño, Mulanay, Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Sa report sa Office of Civil Defense-Calabarzon, kinilala ang mga pinaghahanap na mangingisda na sina Brences Profugo, 23-anyos at 16-anyos na si Edrian Rio; pawang residente ng Brgy. Cambuga ng bayang ito.
Base sa imbestigasyon, noong Huwebes dakong alas-10 ng umaga ay pumalaot ang dalawang mangingisda pero dapat ay inaasahang makakabalik na sila noong Biyernes pero hanggang Sabado ay hindi pa sila nakakauwi sa kanilang mga pamilya.
Samantala, maging ang iba pang mga mangingisda sa lugar ay hindi umano nakita ang dalawa sa kanilang pagpalaot.
Nagsasagawa na ng search operations ang mga elemento ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at Philippine Coast Guard (PCG) upang hanapin ang dalawang mangingsida.