LTO enforcers tututukan mga pasaway na trak
MANILA, Philippines — Sa gitna ng inaasahang pagdami ng mga sasakyan ngayong Christmas season, inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng regional directors at pinuno ng law enforcement units sa local level na paigtingin ang road presence.
Partikular na tinukoy ni Mendoza ang pagtutuon sa road safety operation ng mga LTO enforcer sa umano’y mga pasaway na trak sa pamamagitan ng deployment ng mga tauhan sa mga karaniwang ruta ng mga truck sa Metro Manila at iba pang lugar sa buong bansa.
Aniya, ang deployment ng mga tauhan para sa mga trak ay dapat gawin sa gabi at sa madaling araw, ang oras kung kailan tinanggal ang mga truck ban ng mga local government units (LGUs) at ang oras na kadalasang bumibiyahe ang mga trak sa kalsada.
Nauna nang naglabas ang LTO ng dalawang show cause order laban sa mga rehistradong may-ari at driver ng dalawang trak sa dalawang malagim na aksidente sa Quezon City at Parañaque City. Nasuspinde ng 90 araw ang driver’s license ng mga driver habang inilagay sa alarma ang dalawang trak.
“Our visibility on the road is important especially that we expect the increase of motor vehicles on the road on the days leading to the Christmas and New Year,” dagdag ng LTO chief.
- Latest