Quezon, Biñan giyera sa Game 1 ng MPVA
MANILA, Philippines — Magkakasubukan na ang primerang Quezon at surprise finalist na Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist sa bigating Game 1 ng 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) best-of-three finals ngayon sa Alonte Sports Arena.
Kukulo ang giyera sa alas-6 ng gabi taya ang 1-0 kartada upang mamuro sa kampeonato pagkatapos ng bronze medal sa alas-4 ng hapon sa pagitan ng Rizal St. Gerrard Charity Foundation at Bacoor Strikers.
Paborito ang Quezon sa harapan matapos pangunahan ang elimination rounds hawak ang 14-2 kartada at kinailangan lang ng isang laro sa semifinals upang makaabante agad sa titular showdown.
Armado ng twice-to-beat incentive, umeskapo ang Tangerines sa Rizal, 25-22, 25-23, 23-25, 19-25, 15-10, para makaiwas sa Game 2 na siya namang nagawa ng No.3 Biñan kontra sa No. 2 na Bacoor.
Binura ng Volley Angels ang twice-to-beat advantage ng Strikers sakay ng dalawang panalo, 25-21, 26-24, 25-21 at 25-18, 25-18, 25-16, para makuha ang karapatang hamunin ang Quezon.
- Latest