Gilas gustong dumiretso sa FIBA Asia Cup vs Hong Kong
MANILA, Philippines — Tangka ng Gilas Pilipinas na maka-martsa na agad sa FIBA Asia Cup kontra sa Hong Kong sa pagtatapos ng ikalawang window ng Asia Cup Qualifiers ngayon sa Mall of Asia Arena.
Bitbit ang 3-0 kartada sa Group B, malaki ang tsansa ng Gilas na makasikwat na ng tiket sa continental tournament kung mananalo uli sa alas-7:30 ng gabi.
Sa tagumpay kontra sa Hong Kong sa ikalawang beses ay masisiguro ng Gilas ang isa sa Top 2 spots sa Group B kahit may dalawang laro pang natitira sa ikatlong window sa Pebrero, 2025.
Matatadaang una nang kinaldag ng Gilas ang Hong Kong, 94-64, sa homecourt nito bago tambakan ang Chinese Taipei, 106-53, sa PhilSports Arena sa Pasig.
Nitong Huwebes lang ay napanatili ng Gilas ang malinis na kartada matapos ang kauna-unahang tagumpay kontra sa New Zealand, 93-89, upang makalapit ng isang hakbang sa Asia Cup na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sa kabila nito, hindi pa aniya ito ang best team ng Gilas at marami pang ibubuga ayon kay head coach Tim Cone ay wala silang balak magpaawat kahit pa kontra sa dehadong Hong Kong.
Tinutukoy ng Gilas ang ibang ace players nito nasa injury list pa tulad nina Jamie Malonzo at AJ Edu na kung nakapaglaro lang sana sa OQT at ngayon sa ikalawang window ay mas magiting ang naipakitang laban ng Gilas.
Samantala, kagagaling lang ng Hong Kong sa 85-55 pagkatalo kontra sa Chinese Taipei (1-2) para sa 0-3 kartada bago ang bigating duwelo uli kontra sa Gilas na may homecourt advantage pa.
- Latest