Akyat Bahay timbog sa ospital

Inihahanda na ng Ususan Police Sub-Station 4 ang reklamong robbery laban sa suspek na si alyas “Carl” na isasampa sa Taguig Prosecutor’s Office.
Pixabay

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 23-anyos na lalaki na itinurong nagnakaw sa pinasok na bahay ng isang call center agent, sa Taguig City, kamakalawa ng madaling araw.

Inihahanda na ng Ususan Police Sub-Station 4 ang reklamong robbery laban sa suspek na si alyas “Carl” na isasampa sa Taguig Prosecutor’s Office.

Ayon sa pulisya, dakong alas-3:50 ng madaling araw nang maganap ang pagnanakaw ng suspek sa bahay ng biktimang si alyas Rosa, 35, sa Pulong Kendi, Barangay Sta. Ana, Taguig.

Nagising ang biktima sa kaluskos at nang dumilat ay nakita nito ang suspek na nakatayo sa tabi ng kaniyang cabinet,

Kinompronta ng biktima ang suspek subalit inambahan siya nito ng kutsilyo saka mabilis na tumakas dala ang mga alahas at P20,000.00 cash na may kabuuang P60,000.00.

Lumilitaw na kilala at notoryus na magnanakaw ang suspek sa lugar.

Idinulog ng biktima ang pangyayari sa pulisya at doon nadiskubre na naka-confine sa Taguig-Pateros Hospital ang suspek.

Positibong kinilala ng biktima ang suspek na pumasok at tumangay ng kaniyang pera at alahas na hindi na nabawi pa.

Show comments