MANILA, Philippines — Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang lahat ng motorcycle taxi rider na pagmumultahin at isususpinde ang kanilang permit at lisensiya kung hindi magbibigay ng sukli sa kanilang pasahero na bagama’t mababa pa sa P30.00.
Ito naman ang aksyon ng DTI sa nag-viral na post sa social media ng isang riding app na “diskarte niya ang huwag magbigay ng sukli sa kanyang mga pasahero”.
Batay sa post ng rider, sinasabi niya na wala siyang barya kung P30 pababa ang dapat isukli sa pasahero, kahit meron naman talaga siyang panukli. Ang naiipong sukli ay ginagamit ng rider na pangkain.
Ngunit sinabi ng DTI na bawal ang gawaing ito sa ilalim ng Republic Act 10909 o No Shortchanging Act of 2016, na nagmamandato na eksakto ang dapat ibigay na sukli sa mga customer.
Saklaw ng batas ang mga ride-hailing apps kahit wala pa sila noong isabatas ito, dagdag pa ng DTI.
Ayon sa DTI, ang paglabag sa nasabing batas ay may parusang multa at suspension ng lisensiya para makapag-operate. Sa ikaapat na paglabag, kakanselahin na ang permit ng negosyo para makapag-operate.