Sakit sa puso
NAHUHULAAN ng doktor sa pagkukuwento ng pasyente kung ito ay maysakit sa puso o wala.
Kung ang sakit sa dibdib ay parang tumutusok, hindi iyan sa puso. Kung ang sakit ay nasa kanang bahagi ng dibdib, hindi rin sa puso. Kadalasang nagmumula sa masel ng dibdib ang pagkirot. Baka natulog lang sa matigas na higaan. Baka nagbuhat nang mabigat at na i-sprain ang laman. Ang solusyon ay pahinga lamang.
May dalawa pang tanong para masuri kung galing sa puso ang pananakit. Una, kaya mo bang ituro ng isang daliri ang pananakit sa dibdib? Kapag naituro ng pasyente ito, hindi iyan sa puso. Ang sakit sa puso ay hindi maituro ng isang daliri.
Ikalawa, gaano ba katagal sumasakit ang iyong dibdib? Kapag wala pang isang minuto ang tagal ng sakit o lampas isang oras ang kirot, siguradong hindi ‘yan sa puso. Ang tunay na sakit sa puso ay mula five hanggang 15 minutes lamang.
Ano ba talaga ang sakit na galing sa puso? Ang sakit ay sinasabing mabigat at parang may nakadagan sa dibdib. Dumarating ang sakit kapag napapagod, naglakad nang malayo o umakyat ng hagdan.
Madalas magkaroon ng sakit sa puso ang mga kalalakihan, mula 50 edad pataas. Kung may katabaan, may diabetes, o may lahi ng sakit sa puso, malaki ang tsansa na puso ang diperensiya. Sa ganitong sitwasyon, magpatingin sa doktor.
Pero kung bata ka pa naman, wala pang edad 30, lalo na kung babae, halos sigurado ako na hindi sa puso ang problema. Magpa-check sa espesyalista sa puso para makatiyak.
- Latest