Nigerian na wanted sa US, dakma ng BI
MANILA, Philippines — Isang Nigerian national na wanted sa Estados Unidos dahil sa cyber fraud ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Quezon City, kamakailan.
Nakapiit na si Ahmed Kamilu Alex, 35, sa Immigration sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings matapos maaresto noong Oktubre 11, 2024 ng BI fugitive search unit (FSU) sa Panay Avenue sa Barangay Paligsahan, QC.
Ayon sa Immigration Bureau, inakusahan ng mga awtoridad ng US na nakipagsabwatan si Alex sa dalawa pang kasabwat sa pagsasagawa ng cyber fraud scheme sa pamamagitan ng paglikha ng mga bogus na website na ginagaya ang mga lehitimong ahensya ng gobyerno ng US noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ang mga suspek ay naiulat na nagawang singilin ang mga biktima, na karamihan ay mga tauhan ng militar, sa pagitan ng US$500 hanggang US$48,500 na sinasabing kabayaran para sa pagproseso ng kanilang mga kahilingan sa emergency leave sa pamamagitan ng mga pekeng website.
Hiniling ng gobyerno ng US na i-deport si Alex para makaharap siya sa paglilitis para sa kanyang mga krimen.
- Latest