Barilan sa Tondo: 11-anyos sapol ng ligaw na bala!
MANILA, Philippines — Isang 11-anyos na batang babae ang nasa kritikal na kondisyon matapos na masapol ng ligaw na bala sa naganap na barilan ng dalawang magkaaway na lalaki sa isang kalye, sa Tondo, Maynila, Biyernes ng hapon.
Kasalukuyang inoobserbahan ang biktimang si alyas “Alysha”, estudyante, at residente ng Ortega St., Tondo.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-12:20 ng hapon nang maganap ang insidente sa Sandico cor. Kagitingan St., sakop ng Barangay 38 Tondo, Manila.
Arestado naman ang isa sa dalawang suspek na si alyas “Antonio”, 39-anyos, residente ng Kagitingan St., Tondo.
Batay sa imbestigasyon sa maybahay ng suspek at sa ama ng biktima, isang alyas “Tabong” ang nagpunta sa bahay ni Antonio na habang may hawak na baril ay nagisisigaw ng “Antonio lumabas ka diyan sa bahay mo!”
Nang malaman na wala si Antonio, umalis na umano si Tabong. Pero nang dumating si Antonio, isinumbong sa kaniya ng anak at misis ang ginawang pagsugod ni Tabong kaya lumabas muli ang una at hinanap ang kaaway.
Nagkataon na nagkasalubong sina Tabong at Antonio sa panulukan ng Kagitingan at Sandico Sts., at doon na sila nagkaroon ng komprontasyon saka naglabas ng baril si Antonio na sinundan ng kanilang putukan.
Batay sa CCTV footage, ang isa sa suspek ay nakitang tumatakbo at hinabol naman ng putok ng kalaban hanggang sa gumanti ng putok at ang biktima ay naglalakad kasama ang tatlo pang bata. Makikita sa video na biglang bumulagta ang bata nang tamaan ng ligaw na bala sa harapang bahagi ng leeg.
Tumakas naman ang suspek habang ang biktima ay dinala sa kalapit na pagamutan.
Ayon kay P/Captain Ferdinand Cayabyab, isa pa lang sa suspek ang hawak nila matapos rumesponde ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) at Asuncion Police Community Precinct ng Manila Police District-Station 2.
- Latest