P2.1 bilyong vessel bidding ng BFAR, 3 beses naudlot
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang bidders at observers sa ginagawang bidding process ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pagbili ng may P2.1 bilyong halaga ng mga sasakyang pandagat matapos na maantala nang ipagpaliban ang bidding sa ikatlong pagkakataon.
“Originally scheduled for October 11, 2024, the opening of bid for the project has been delayed three times,” ayon kay Atty. Faye Singson, dating assistant prosecutor ng Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Singson, ang unang araw ng bidding ay nakansela dahil sa kawalan ng “quorum” bunsod ng biglaang hindi pagdalo ni special bids and awards committee (SBAC) chairman Zaldy Perez at mga miyembro ng technical working group (TWG).
Aniya, ang ikalawang iskedyul ay hindi rin naisakatuparan dahil sa hindi inaasahan o “coincidential” na pagkawala ng kuryente sa BFAR building noong Oktubre 15. Habang ang ikatlong postponement ay nitong Miyerkules, Oktubre 16 dahil din sa “power disruptions”.
“How did that brownout happen in the small room where the bidding is being conducted? But in other rooms of the bureau and nearby buildings in the area has no power disruptions that occurred that day,” pahayag ni Singson.
Upang mapahupa ang mga nadismayang bidders at observers, inanunsyo ni Perez noong Oktubre 16 na itutuloy ang makailang ulit na naudlok na bidding ngayong araw, Oktubre 21.
Bunsod ng mga pagdududa, nanawagan na ang mga negosyante at ilang bidders kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na magsagawa ng imbestigasyon sa kontrobersyal na bidding ng BFAR dahil sa anila’y kawalan ng “transparency” para sa patas at episyenteng procurement process, at sa paglabag sa isinasaad ng Government Procurement Reform Act of 2022.
- Latest