LTFRB, tumatanggap muli ng application for consolidation
MANILA, Philippines — Bukas na muli ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa aplikasyon ng mga sasakyan na sasailalim sa consolidation system na bahagi ng PUV modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, binuksan muli nitong Oktubre 15 ang pagtanggap ng aplikasyon para sa consolidation bilang tugon sa kahilingan ng Senado upang mapagbigyan ng pagkakataon ang mga hindi nakahabol sa consolidation.
Sa ilalim ng consolidation, mawawala na ang franchise ng mga pampasaherong sasakyan at pagsasamahin ang mga PUVs sa isang kooperasyon o kooperatiba para mabigyan ng permit ng LTFRB na makapamasada.
Nilinaw ni Guadiz na dapat na samantalahin ito ng mga drivers at operators hanggang Nobyembre 29 lamang ito. Ani Guadiz ang mga newly-consolidated drivers at operators ay awtomatikong nakakatanggap ng P10,000 fuel subsidy.
Nilinaw naman ni Guadiz na ang mga bagong magpapa-consolidate ay dapat sumama sa mga existing cooperatives at hindi maaaring magbuo ng bagong kooperatiba.
Matatandaang ang naitakdang final deadline ng LTFRB para sa consolidation ay noong April 30, 2024 upang makasama sa modernization program ang mga pampasaherong sasakyan.
Kontra pa rin sa consolidation ang Piston at Manibela dahil pag-phase out ito ng traditional jeepney na papalitan ng mga pampasaherong sasakyan ng mga airconditioned vehicles na ang bawat unit ay umaabot sa higit P2 milyon.
- Latest