Vlogger ‘Lakas Tama’ pinaaresto ng ka-live in, 3 baril nasamsam
MANILA, Philippines — Arestado ang isang kilalang vlogger sa reklamo ng kaniyang live-in partner sa diumano’y pananakit at pagbabanta habang nasamsaman din ng tatlong ‘di lisensyadong baril sa kaniyang bahay sa Parañaque City, kamakalawa.
Sa ulat ng Parañaque City Police-Women and Children’s Desk, ang suspek na Japanese national ay kilala bilang si “Lakas Tama” na nahaharap sa patung-patong na reklamo na kinabibilangan ng grave threat, paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004), at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Nabatid na inireklamo ng kaniyang live-in partner na isa rin umanong vlogger ang suspek sa diumano’y pisikal at emosyonal na pananakit at pagbabanta na babarilin siya.
Rumesponde ang mga tauhan Parañaque City Police Intelligence Section at agad nakipag-ugnayan sa Sun Valley Police Sub-station alas-4:05 ng madaling araw ng Oktubre 15, 2024, kasama ang Special Weapons and Tactics (SWAT) Team at Barangay Sun Valley social worker.
Nasamsam mula sa suspek ang isang Astra Unceta caliber 6.35 (.25) na may 7-bala; isang Ingram M11 caliber 9mm na may 2 magazine at 13 bala, at isang 9mm caliber na may isang bala.
Bigo ang suspek na magpakita ng anumang dokumento sa mga baril na nakuha sa kaniyang pag-iingat.
- Latest