Kandidato sa pagka-senador, 78 na; 87 sa Party-list – Comelec
CEBU, Philippines — Umaabot na sa 78 ang mga kandidatong naghain ng kanilang certificates of candidacy (COCs) sa pagka-senador habang 87 grupo naman ang nagsumite ng kandidatura para sa Party-list race, sa ikaanim na araw ng COC filing para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), nitong Oktubre 6, walong kandidato ang nagtungo sa The Tent City ng The Manila Hotel para maghain ng kanilang kandidatura sa pagka-senador. Ito’y karagdagan sa 70 kandidato na unang naghain ng kandidatura sa unang limang araw ng COC filing.
Kabilang sa mga kandidatong naghain na ng COC para sa senatorial race ay sina James Patrick Bondoc ng PDP Laban; Junbert Guigayuman, ng KKK; Wilson Amad at Sixto Lagare, na kapwa independent candidate; Ernesto Arellano ng Katipunan; John Rafael Escobar na independent candidate; ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo ng Lakas-CMD at Sen. Pia Cayetano ng Nacionalista Party.
Samantala, nasa 87 na ang mga kandidato sa party-list makaraang 14 pa ang naidagdag sa listahan.
Ayon sa Comelec, inaasahan nilang higit pang darami ang bilang ng mga kandidatong maghahain ng kandidatura sa huling dalawang araw ng COC filing.
Ang COC filing ang nagsimula noong Oktubre 1 at magtatagal hanggang sa Oktubre 8 lamang.
- Latest