2 puganteng Korean timbog ng BI
MANILA, Philippines — Dalawang South Korean nationals na kapwa pugante ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo sa Las Piñas City at lalawigan ng Pampanga.
Noong Setyembre 20 nang madakip si Nam Sundong, 37, sa kanyang bahay sa Manuyo Dos, Las Piñas City ng mga tauhan ng BI- Fugitive Search Unit, at si Lee Hyunhak, 23, sa Jose Abad Santos Avenue sa Clark, Pampanga ng parehong araw.
Si Nam ay iniulat na pinaghahanap sa South Korea dahil sa pagtatayo ng pasugalan na mahigpit na batas sa pagbabawal nito sa kanilang bansa.
Kabilang si Nam sa red notice ng Interpol matapos isyuhan ng warrant of arrest ng Ulsan District Court noong 2023.
Si Lee naman ay pinaghahanap dahil sa pagpuslit sa Korea ng 480 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 500,000 Korean won na paglabag sa kanilang Aggravated Punishment of Narcotics Smuggling.
Pakay din ng red notice ng Interpol si Lee na inisyu nitong unang bahagi ng Setyembre buwan laban kay Lee kasunod ng warrant of arrest ng Busan District Court.
Sinabi ng BI na ang kanilang mga pasaporte ay binawi na ng gobyerno ng Korea.
- Latest