3 extortionist na Nigerian, timbog sa NBI
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation–Cybercrime Division ang tatlong Nigerian nationals sa inilatag na entrapment operation sa Las Piñas City.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek na sina Ugochukwu Osuagwu, Chinonso Omeje at Benjamin Chinonso.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga suspek sa reklamo ng isang Lymie Arriega laban kay si Osuagwu.
Ayon sa complainant, nakipagkita siya kay Osuagwu sa isang dating site at nag-date noong August 2022. Aniya hiniram sa kanya ni Osuagwu ang kanyang GCash account at SIM card para makapaglipat ng pera para sa university tuition fees.
Lingid sa kaalaman ng complainant, ang kanyang GCash account at SIM card ay ginamit ni Osuagwu para dito ipasok ang kita sa scamming activities ng dayuhan.
Sinabi ni Arriega na isa sa biktima ni Osuagwu ay nagsampa na ng kasong kriminal sa kanyang Gcash Account kaya siya ay nahuli bilang may-ari ng Gcash account. Sabi ni Arriega, nakakalaya lamang siya dahil sa piyansa. Pinasosoli niya anya kay Osuagwa ang kanyang Gcash Account. Pero hinihingan siya ng naturang dayuhan ng P3,000 hanggang sa naibaba sa P2,500.
Sa kasunduang ito, dito na naglatag ang NBI ng operasyon sa napagkasunduang meeting place ng complainant at ni Osuagwu sa Las Piñas City at ditoy agad namang nahuli ang dayuhan.Nahuli rin ang dalawang iba pang Nigerian na sinasabing magkakasabwat sa modus.
Nabawi naman ng complainant ang kanyang GCash account at sim card.
Ang mga suspek ay kakasuhan na ng robbery/extortion at Anti-Financial Account Scamming Act.
- Latest