PNP Special composite team kakalap ng ebidensiya laban sa mga nagkanlong kay Quiboloy
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na hindi sila titigil sa pangangalap ng mga ebidensiya laban sa mga ‘kumupkop’ kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Marbil, ang special composite team na binubuo ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kikilos upang tutukan ang paghahanap ng mga ebidensiya laban sa mga nagkanlong kay Quiboloy simula nang magtago ito sa batas.
Sinabi naman ni CIDG Director Police Major General Leo Francisco na nangangalap sila ng ebidensya mula sa social media posts, publications, at iba pa para matukoy ang maaring kasuhan.
Kumukuha rin aniya ang team ng mga statement mula sa mga pulis na nagsilbi ng Warrant of Arrest laban kay Quiboloy at sa umano’y mga biktima ng pangmomolestiya ng pastor.
Makikipagtulungan din aniya ang team sa Police Regional Office (PRO) 11 upang matiyak na magiging airtight ang kaso laban kay Quiboloy at sa umano’y mga tumulong dito para makapagtago sa batas.
Nabatid naman kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na pinag-aaralan din ang naging pahayag noon ni Vice President Sarea Duterte kung papasok sa kaso ng conspiracy on ciing to sedition.
Ang mga PNP lawyers ang katuwang ng CIDG at ACG kung sino ang mga personalidad na dapat na kasuhan.
Una nang sinabi ni PRO Director PBGen. Nicolas Torre III na mahigit 10 personalidad ang kakasuhan sa pagtatago kay Quiboloy.
- Latest