Dahil sa malaking sunog F2F at online classes sa iskul sa Tondo, suspendido
MANILA, Philippines — Nagpasya si Manila Mayor Honey Lacuna na suspindihin muna ang klase sa Gen. Vicente Lim Elementary School sa Tondo, Maynila ngayong Lunes, Setyembre 16.
Ito’y kasunod na rin ng malawakang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Aroma Road 10 sa Tondo, Manila na ikinasugat ng nasa pitong indibidwal at ikinatupok ng nasa siyam na residential building doon.
Ayon kay Lacuna, kasalukuyan pang ginagamit ang naturang paaralan bilang evacuation site ng mga pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa naturang sunog kaya’t hindi muna maaaring magdaos ng klase ang mga mag-aaral.
“Suspendido ang face-to-face at online classes sa Gen. Vicente Lim Elementary School ngayong darating na Lunes, September 16, 2024, dahil sa malawakang sunog na nangyari sa Aroma Road 10 sa Tondo,” anunsiyo ni Lacuna. “Ito ay kasalukuyang ginagamit bilang evacuation site ng ilan sa mga pamilyang naapektuhan ng nasabing sakuna,” dagdag nito.
Dagdag pa ng alkalde, “Magkakaroon ng make-up classes ang mga mag-aaral ng Gen. Vicente Lim Elementary School bilang kapalit ng araw na suspendido ang klase.”
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimulang sumiklab ang sunog sa Building 27, sa Aroma Road, Tondo, dakong alas-11:44 ng umaga kamakalawa na ikinasugat ng pitong katao.
Umabot ng Task Force Bravo ang sunog bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-6:20 ng gabi.
Kabilang sa naapektuhan ng sunog ay 9 na gusali, na lima ang tupok na tupok habang apat naman ang partially-gutted lamang.
- Latest